BJMP_ALS 2016 Graduation (Photo credit: Team Acosta) |
Para sa ating mga kagalang-galang na panauhinna pinangungunahan ng ating Regional Director Jail Senior Superintendent Lyndon D. Torres Sir, sa aming napakaganda at kahanga-hangang Warden, Jail Superintendent Grace Sun Taculin Ma'am, Davao City Jail Warden, Jail Superintendent Jonathan Lavapie Sir, Davao City Jail-Annex Warden, Chief Inspector Don Paredes Sir, sa ating Guest Speaker Maria Belen Acosta ng unang distrito ng Davao City ma'am, Schools Division Superintendent Maria Ines Asuncion ma'am, Chief Curriculum Implementation Division, Alma Cifra ma'am, sa ating Education Specialist II-ALS, BJMP Program In-Charge Marianita Corpuz ma'am, sa mga mahal naming mga BJMP Personnel na walang sawang nagbabantay, sa aming pinakamamahal naming mga magulang, asawa, kaibigan, mga kabakasyonista at kapwa ko magsisi-pagtapos, magandang araw sa ating lahat.
Pansamantala po naming pinahinto ang aming oras sa loob ng kanya-kanya naming selda upang tass noo po kaming tatayo dito sa inyong harapan at magsasabing tumatanggap po kami ngayon ng diplomang nagsasaad na kami ngayon ay magtatapos ng elementarya at sekandarya.
Ako po si Hazel Villanel Asis, 35 years old, maagang nakapag-asawa at may siyam na anak. Naghiwalay kami ng aking asawa, kaya tinaguyod kong mag-isa ang aking mga supling sa paraang alam ko. Apat na taon na ang nakalipas, nakapag-asawa akong muli sa isang mabait at masipag na maybahay ngunit hindi ko alintanang masira ito, pinasok ko pa rin ang hanap-buhay na alam kong labag sa batas, matustusan ko lang ang pangunahing pangangailangan ng aking mga anak. Ngunit sa kasamaang-palad ako ay nahuli at nakulong.
Sa mga unang araw ko dito sa piitan, ang kawalan ng pag-asa ang natira kong nadarama dahil para sa akin ang aking pamilya ay isang buhay ko. Ngunit binigay sa aking ng institusyong ito ang sinag ng pag-asa. Tinuroan kami ng iba't-ibang uri ng livelihood na magagamit naming pagkakakitaan dito. At higit sa lahat dito ko nakamtan ang diploma na noon ay isa lang mithiin ata ngayon ay nasa kamay ko na. Ang diploma na nagsasabing kami ay tao at may dignidad. Diploma na nagsasabing tayong lahat ay pantay-pantay sa larangan ng edukasyon, piitan man ang aming napuntahan. Diploma na nagsasabing "Hazel" kaya mo ng makipagsabayan sa mga taong nakasuot ng uniporme, nagsusuot ng disenteng damit na dating tiningala mo. Ang diplomang ito'y, misming mga magulang kong nagsasabing "Hazel" karapatdapat ka sa iyong nakamtan ngayon, mahab-haba na rin ang hirap na iyong nilakbay.
Nang pinakilala sa akin ang "Alternative Learning System" na kilala sa lahat na "ALS", pumasok sa aking isipan na isa siyang Friendly System para sa ming hindi nakapagtapos sa kapanahunan namin. Naingganyo po akong sumubok at sa awa ni Allah natapos ang naudlot kong pag-aaral hanggang sekondarya.
Walang masisidlan ang kasiyahang aking naramdaman nang maipasa ko ito dahil alam kong hindi lang mataas na antas ang aking natapos kung di isa na rin akong degree holder ayon sa sinasaad sa Learning System na ito.
Para sa Lahat ng bumuo ng pagkatao ko ngayon unang-una ang walang kupas na sumusubaybay ng aking buhay, si "Allah" na ating kaagapay, ang mga mababait naming mga instraksyonal manager, JO1 Joy Mamoko at JO1 April Jane Marie G. Danao, ang masisipag naming assistant instraksyonal manager na si Ms. Arlene Hatico, kulang po ang salitang "salamat" na isusukli namin sa inyo, ngunit gayunpaman maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.
Ako po ngayon ay punong-puno ng pag-asa, na dumating sa takdang panahon ang inilaan sa akin ni Allah, na lalabas ako mula dito, bit-bit ko ang kayamanang walang sinumang makaka-agaw sa akin nito. At kung saan man ako dadalhin ng dalawang paa kong ito, isa lang ang sigurado ako, maaliwalas, maliwanang, malinis at maka-Diyos ang buhay na naghihintay sa akin sa labas.
Gusto ko sanang ipaabot sa lahat ng mga kapwa kong bakasyonistang nagpatala sa ALS, na sana magsilbing inspirasyon ako sa inyong paglalakbay.
No comments:
Post a Comment